Monday, November 3, 2008

Bukas na liham at Apela

Bukas na liham at Apela
ni Arman Albarillo

Pagbati po ng katarungan,
Isa po ako sa 72 mga lider ng ibat ibang organisasyon na sinampahan sa Mindoro Oriental sa kasong Murder at Frustrated Murder. Ang insidente na ako po isinasangkot ay sa ambush di umano sa mga elemento ng Regional Mobile Group sa Puerto Galera Mindoro Oriental noong March 3 2006. Ang ambus diumano ay naganap matapos ang bombahin sa isang globe cellsite noong March 1, 2006.
Taong 2002 pagkatapos paslangin ang aking mga magulang na sina Expidito at Manuela Albarillo sa Mindoro, bayan ng Santeodoro Barangay Calsapa. Umalis na kami sa aming lugar kasama ng aking pamilya at mga kapatid para isalba ang buhay dahil sa banta. Ayon sa mga militar kami na raw ang kanilang isusunod ito ay mula sa grupo nina General Jovito Palparan Jr. Adgenda din namin sa pag-aalis sa aming lugar ay paghahanap namin ng hustisya sa pagkamatay ng aking mga magulang.
Sa una po naging tagapagsalita ako ng mga kaanak ng biktima ng extra judicial killing sa aming rehiyon. Pagkatapos nito ay naging aktibo ako sa paglalantad ng mga pang-aabuso ng militar sa amin lugar, na dinala ko dito sa main land ng CALABARZON ang usapin. Ilan narin sa aking mga nakasama ay pinaslang tulad nina Edie Gumanoy, Eden Marcellana, Noli Capulong, Fort Fortuna at marami pang iba. Noong 2004 naging pangrehiyong tagapag-ugnay ako ng Bayan Muna Partylist sa Timog Katagalugan sa kasagsagan ng kampanyang elektoral, pumangalawa ang aming rehiyon sa talaaan ng may pinakamalaking boto ng aming mga partido. Pagkatapos ng eleksyon ay naitalaga ako bilang Pangkalahatang Kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan Southern Tagalog naging aktibong tagapagsalita ng isyu ng mamamayan sa rehiyon, ganun din ang sentimyento ng malawak na mamamayan, at masigasig na nagsulong ng pagpapatalsik kay pangulong GMA. Dahil dito inilarawan ako ng AFP, na isa sa binabantyang lider sa rehiyon, ipinapakita ang aking pangalan at larawan sa kanilang aktibidad, na sa kahalintulad ay isang nasa order of battle, tulad din ng ginawa nina Jovito Palparan bago patayin ang aking mga magulang ay inilagay nila sa isang order of battle. Dahil dito nagsampa ako ng reklamo sa Committee of Human Right sa Kongreso para ipaalam ang ginagawa ginagawa sa akin at iba pa. Taong 2005 -2006 at 2008 ay isa ako sa lider na namuno sa malalaki at matatagumpay na Lakbayan ng Mamayan ito ay laban sa CPR, Laban sa Political Repression, ang Para sa Lupa, Kabuhayan at ang Pagpapatalsik kay PGMA.
Taong kasalukuyan (2008) isang operasyon ang ginawa sa akin, sa pamamagitan ng kanilang Oplan Bantay Laya sa porma ng CMO, sa hindi inaasahan isa sa ahente ng Civil Relation Service ng AFP Region na nagpakilalang siya raw ay si Eric Platon, kinausap ako, naganap ito noong 1st Quarter ng 2008. Ang sinabi nya sa akin na makipag-tulungan na daw ako sa kanila at kung may problema daw ay aayusin nila kahit pa ang pagpatay sa aking mga magulang, sinabi ko sa kanila na magkaiba ang aming layunin kaya di kami pwedeng magsama, binanggit ko rin kpag hindi ba ako sumang-ayon sa kanila ipapapatay ba nila ako tulad ng aking mga magulang, ang sagot nila “kaya nga tayo ay nag-uusap para hindi na umabot don” kaya nang banggitin nila yon ang huling sinabi, ”hindi ako papanig sa inyo, sapagkat para ako sa kapakanan ng mamamayan, binitiwan ko nalang salita sa kanila ay ganito, “na kung ano ang gusto nyong gawin sa akin gawin nyo nalang”. Pagkalipas ng mahigit ilang buwan, isa naman tao ang pinapunta nila sa akin gusto daw nila akung makausap ito ay tahasan ko ng tinanggihan. Mula noon wala kumausap, maliban nitong Agosto isang kaibigang impormante, na sinabihan ako na maglaylo at huwag magpronta dahil masyado daw mainit ang ulo ng nasa itaas baka raw pagnakakulong na ako saka ko siya tawagan. Ito ngang pinakahuli ay naglabas na ng kaso sa 72 lider isa na ako don, noong una ay 27 lider ang kinasuhan, tapos ayaw pang ibigay ng korte ang impormasyon sa amin at baka raw magsitakas kami, sa kabuuan lahat na kami ay may warrant of arrest.
Sa simula’t simula ang nais ko’y mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng mga magulang at may managot sa pangyayari, sa halip na ako ang makapag-pakulong ako ngayon pa ikukulong dahil sa gawa gawang kaso. Dahil ba maingay ako at patuloy naninindigan sa tama, dahil ba nagsampa ako ng kaso impeachment ng dalawang beses laban sa kay Gloria Arroyo at inilalantad ang bulok sa gobyerno?
Noong nais naming mabuo ang aming pamilya, nais man namin mabuo kaming magkakapatid ay hindi namin magawa dahil sa banta sa aming mga buhay. Mula ng patayin ang aming mga magulang sa tanda ko 3 beses pa lamang akung nakakauwi sa Mindoro kasama ko pa ang media sa pagpunta hindi rin ako nagtatagal kadalasan ay dalawang araw lamang at ang pinakahuli nitong 2007 sa panahon ng kampanya elektoral na halos tumagal lamang ng 3 araw.
Nais kung bumalik ng Mindoro sa sariling kung bayan ng malaya at ligtas ang buhay, tila makakabalik nga ako, ang kaso hindi malaya, nakapusas sa pagbalik,titira sa isang makitid na lugar lamang sa kulungan. Hindi ko kayang gawin ang kanilang ibinibintang ang ginagawa ko ay maglantad ng mali at isulong ang kagalingan ng nakakarami, hindi ako magnanakaw, hindi ako mamamatay tao, ako ang namatayan, bakit ako ang makukulong, hindi ba sila ang dapat managot at makulong.
Hindi kami natatakot kaylan man alam namin ang posibleng mangyari sa amin nakahanda kaming harapin ang lahat ng ito sa tamang panahon lalantad kami. Kaya nanawagan ako na huwag matakot makibaka para sa kagalingan at tunay na kalayaan ng bayan.

Arman Albarillo
BAYAN ST

Arman's background

1. Secretary General ng Bagong Alyansang Makabayan Southern Tagalog
2. Anak ni Expidito at Manuela Albarillo na pinaslang sa Mindoro noong Abril 8, 2002 sa bayan ng San Teodoro Oriental Mindoro na pinaghihinalaang tropa nina noo’y Col. Jovito Palparan na dating namumuno sa 204th Bdge. Philippine Army.
3. Aktibong lider ng Timog Katagalugan na pinamunauan ang malalaking protesta Timog Katagalugan, tulad ng mga Lakbayan ng mga Mamamayan para hilingin ang kagalingan ng mamamayan, tuligsain ang mali sa Gobyerno at patuloy na paghahanap ng hustisya para sa kanyang mga magulang at sa iba pang biktima ng extra judicial killings.
4. Naging Internal Refugees mula 2002-2003.
5. Masugid na tagapagtanggol ng karapatang tao.
6. Complainant sa impeachment Complaint noong 2006. 
7. Complainant ng pagkakaso kay GMA, Jocelyn Bolante at iba pa sa OMBUDSMAN noong 2007.
8. Kinatawan ng rehiyon sa ng 3rd international Assembly ng International League of Peoples Struggle sa Honkong nitong July 2008.
9. At kasali bilang isa Complainant ng panibagong pagsasampa ng impeachment laban kay PGMA.
10. May asawa at mga anak.